NEWS AROUND SUBIC BAY

Driver ng jeep na sumalpok sa isang company vehicle sa harap ng Marikit Park, pumanaw na

Tags:

Posted 3 months ago


OLONGAPO CITY—Hindi na umabot pa ng 24 oras sa ospital ang jeepney driver na si G. Dionisio Villegas, 61, residente ng Brgy. Kalaklan Olongapo City makaraang sumalpok ang minamaneho nitong jeep sa isang company vehicle Martes ng Hapon sa harap ng Marikit Park, Rizal Avenue Olongapo City.

Ulat ni Lolito Ramada Go

Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ni PO3 Adrian Amigo ng traffic investigation unit ng OCPO, lumalabas na kasalukuyang namamasada noon ang driver na si Mang Dionisio nang bigla itong atakihin sa puso na naging sanhi ng kawalan nito ng kontrol sa manubela hanggang sa tuluyan itong bumangga sa isang owner-type company vehicle na binabagtas naman ang salungat na direksyon sa nabanggit na kalsada.

Samantala, ayon naman sa driver ng company vehicle na si John Henry Marto, 25 at residente ng Dinalupihan Bataan, nagulat na lamang daw sya ng walang anu-ano’y biglang kumabig pakanan ang dilaw na jeep na hindi na nya nagawa pang maiwasan. Maliban kay Mang Dionisio, agad ding naisugod sa pagamutan ang 13 pasahero nito na nagtamo ng maliit na pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa ilang pasahero na nakapanayam ng SBC news, nagawa pa umanong pulutin ni Mang Dionisio ang mga nagkalat na barya na kanya pinampasada kahit pa sumusuka na ito ng dugo. Labis naman ang hinagpis ng mga naiwan ni Mang Dionisio sapagkat ang pamamasada na lamang daw nito ang tanging kabuhayan ng pamilya.

Sa ngayon, wala raw silang planong magsampa ng demanda. Ang tanging panawagan nila ay mabigyan sila ng tulong ngayong wala na ang kanilang masipag na padre de pamilya na solong itinaguyod ang dalawang anak nito at maybahay.

First Published: Subic Broadcasting Corporation @ Facebook

Loading Comment

Related Content

Other News

View all news
Share